May payo si Akbayan Party-list Rep. Tom Villarin para mas mabisang magampanan ni Police Chief Inspector Jovie Espenido ang trabaho nito.
“Dapat si Espenido ay i-detail na lang kasi masyado siyang mabilis gumamit ng baril, dahas. Then he should go after the lawless elements,” sabi ni Villarin nang hingan ng komento kahapon.
“Kumbaga doon siya makipagbakbakan sa bundok with the NPA (New People’s Army), doon masusubukan ang kanyang galing,” dagdag ng solon.
Kinakailangan aniyang malinawan kung ano talaga ang pakay ng pagtatalaga ng kontrobersiyal na police officer sa Eastern Visayas.
“Then kung i-deploy s’ya para lang mang-harass ng civilians and also i-expand pa ‘yung operation tokhang sa Eastern Visayas, then again that is kumbaga dapat ma-monitor kung ano ba talaga ‘yung objective,” ani Villarin.
Nilinaw ng Akbayan solon na wala namang problema sa pagtatalaga ni Espenido sa Eastern Visayas basta ang pupulbusin at susugpuin nito ay pawang masasamang elemento.
Matatandaang sumikat si Espenido sa mga insidente ng pagtimbuwang ng mga inaakusahang drug suspect na sina dating Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa at Ozamiz Mayor Reynaldo ‘Aldong’ Parojinog.