Pinababalik ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Ozamiz City ang kontrobersiyal na opisyal ng Philippine National Police (PNP) na si Supt. Jovie Espenido.
Ito ay bunsod na rin umano ng kagustuhan ng mga taga-Ozamiz City matapos pangunahan ng Pangulo kagabi ang groundbreaking ceremony ng Ozamiz Airport Modernization Project.
Personal na tinawagan ng Pangulo si PNP Director General Oscar Albayalde habang nagtatalumpati at iniutos na ibalik si Espenido sa Ozamiz City batay na rin sa kagustuhan ng mga taga-Ozamiz.
Sa tuwing babanggitin ng Pangulo ang pangalan ni Espenido ay sumisigaw at nagpapalakpakan ang mga tao at iginiit na ibalik ito sa lungsod.
Si Espenido ang naglunsad ng anti-drug operation sa bahay ni dating Ozamiz City Mayor Ronald Parojinog na naging dahilan ng pagkamatay nito at pagkahuli ng kanyang anak na bise alkalde.
“Gusto n’yong bumalik si Espenido? ‘Yes sir, pabalikin ko po.’ Ang order ko kay Espenido ubusin niya itong mga p…….g… ‘Yes sir, we’ll do sir,’” ang naging pag-uusap ng Pangulo at ni Albayalde.
Kasalukuyang nasa Region 8 si Espenido partikular sa Catanduanes.
Batay sa text message ni Albayalde, agad siyang mag-iisyu ng kautusan sa PNP regional director ng Region 8 para maibalik si Espenido sa Region 10, partikular sa Ozamiz City.