Isa sa mga naging adbokasiya ko matapos akong mahalal na alkalde noong 2016 ay ang kagalingan ng ating mga kababayang may Autism, Down Syndrome at mga katulad na karamdaman. Ito ay bunga na rin ng paniniwala ko na ang husay ng isang pamahalaan ay makikita sa kung papaano niya pinaglilingkuran yaong mga sektor na pinakanangangailangan.
Ngayong panahon ng Kapaskuhan, ipinanukala ko sa SINAG Party-list na bigyan nila ng isang hindi malilimutang Pasko ang mga tinatawag nating “Special Children” mula sa mga bayan-bayan ng Laguna. Hindi naman tayo nabigo kaya noong nakaraang Sabado (Disyembre 15), nasa 120 mga Special Children mula sa mga bayan ng Pakil, Paete, Lumban at Famy ang dinala ng SINAG Party-list sa Enchanted Kingdom. Gaya ng aking inaasahan, hindi mo matatawaran ang kasiyahang kanilang nadama sa kanilang pagbisita sa Enchanted Kingdom. Ayon nga sa mga guardian ng mga “Special Children na nakasama dito, sa wakas raw, may isang samahan na tunay na kumalinga sa kanila ngayong Kapaskuhan. Ito na raw, ang pinaka-espesyal na Pasko para sa kanila.
Para mas maging makabuluhan ang Paskuhan sa Enchanted Kingdom ng mga Special Children, nagkaroon din ng mga palaro at palabas. Isinabay na rin ang isang maikling programa kung saan inenganyo natin ang lahat ng mga nanunuod na mas maging maunawain, sensitibo at mapagkalinga tayo sa mga Special Children ng ating Lipunan. Sobrang naging matagumpay ito kaya naman, inaasahang may mga susunod pang ganitong programa ang SINAG Party-list.
Salamat sa Enchanted Kingdom sa pag-aasikaso sa ating mga Special Children. Sa mga SINAG Volunteers mula pa sa Lungsod ng Calamba. Sa bumubuo ng Sangguniang Kabataan, Day Care Workers at MSWDO ng Pakil sa pag-asiste. At siyempre, sa Nominado ng SINAG Party-list na si Ginoong Richard “Riper” Perez sa pagkakaroon ng ganitong programa para sa mga Special Children. Tunay na naging Espesyal ang Pasko ng mga Special Children dahil po sa inyong lahat.
