ESPINOSA SON NAKAPUSLIT

Kukumpirmahin pa ng Philippine National Police (PNP) kung talagang nakalabas na ng bansa si Kerwin Espinosa, ang anak ni Albuera, Leyte Ma­yor Rolando Espinosa na kumpirmadong drug dealer ng Eastern Visayas.

Ayon kay PNP spokesperson Sr. Supt. Dionardo Carlos, aala­min pa nilang mabuti kung tunay nga ang impormasyon na kanilang tinanggap na nakalabas na ng bansa patungong Kuala Lumpur, Malaysia si Kerwin, na may tunay na pangalang Rolando Eslabon Espinosa Jr.

May mga ulat pang posibleng nasa Singapore ito o kaya ay sa Hong Kong subalit ayaw pang magbigay ng kumpirmasyon ang Bureau of Immigration (BI).

“Atin pong kukumpirmahin iyan kung wala na nga sa bansa si Kerwin, saka po tayo gagawa ng plano kung ano ang maaaring hakbang ng pamahalaan para maaresto at mapanagot sa kanyang kasalanan,” pahayag ni Carlos.

Sa nakalap na intelligence report ng PNP, noong Hunyo 21 pa, siyam na araw bago magsimula sa tungkulin si Pangulong Rodrigo Duterte ay naka­biyahe na umano si Kerwin patungong Malaysia sakay ng Cebu Pacific.

Hindi pa umano ito nakababalik sa bansa dahil wala pang return flight record si Kerwin.

Si Kerwin ay itinutu­ring na isang high-value target ng PNP sa kampanya kontra sa iligal na droga.

Nauna rito, matapos ang engkuwentro kahapon ng madaling-araw na ikinasawi ng anim na tauhan umano ni Mayo­r Espinosa, inaalam na ngayon ng PNP Firearms and Explosives Office (FEO) kung may tutugma sa 17 armas na ­narekober ng mga awtoridad sa compound ng mga Espinosa sa Albuera, Leyte sa mga nakarehistrong baril ni Mayor Espinosa.

Ayon kay Carlos, batay sa record ng FEO, tatlo lamang ang pag-aaring baril ni Mayor Espinosa na nakapangalan sa kanya.

Kabilang dito ang isang shotgun at dala­wang­ pistola — glock na 9mm at isang caliber 40. Sa 3 baril ni Espinosa tanging ang shotgun lamang ang valid pa ang rehistro habang nag-expire naman nitong buwan ng Mayo ang rehistro ng dala­wang pistola.

Samantala, ayon kay Carlos hindi pa nila nasusuri kung may mga pag-aari ring baril si Kerwin.

Batay sa report ni Leyte Provincial Director Sr. Supt. Franco Simborio, 13 high powered firearms, apat na caliber 45 at isang hand grenade ang na-recover sa bahay ng mag-amang Espinosa sa engkuwentrong naganap sa Barangay Binulho, Albuera, Leyte kahapon.

Sa inisyal na ulat na ipinarating sa Camp Crame kahapon, sinasa­bing natagpuan sa bahay ng alkalde ang dalawang nasawi habang natagpuan naman sa bahay ni Kerwin ang apat pang bangkay. Ang mga ito ay pawang armado.

Nagpapatrulya umano­ kahapon ng madaling-araw ang mga tauhan ng pulisya subalit nang makalapit sa bahay ng mga Espinosa ay big­la na lamang sila pinaputukan ng tinatayang 12 armadong kalalakihan na kinabibilangan ng anim­ na nasawing suspek. Nakipagpalitan ng putok ang mga pulis.

Matapos ang engkuwentro, pinasok na rin ng pulisya ang bahay ng mga Espinosa kung saan narekober ang 14 na iba’t ibang uri ng mahahabang baril, limang kalibre .45 pistola at riffle grenades.

Samantala, tumanggi­ ang BI na kumpirmahin kung nakalabas na ng bansa si Kerwin.

Sa pagtatanong ng Abante Tonite kina Atty.­ Antonette Mangorang, tagapagsalita ng BI, wala itong naging tugon hinggil sa travel records ng nakababatang Espinosa.