Hindi nakaligtas kahit ang mga indoor na laro gaya ng Electronic Sports (eSports) sa nakakakilabot at mapanganib na 2019 Novel Coronavirus-Acute Respiratory Disease na galing Wuhan, China.
Dahil sa matinding pangamba sa nakamamatay na sakit na kumitil na sa mahigit 800 at humawa sa may 40,000 tao sa iba’t ibang panig ng daigdig hanggang kahapon, kinansela ang ilang liga ng eSports pati na malalaking paligsahan na babalangkasin ng mga Chinese.
Agad na naapektuhan ang papaangat pa lang na eSports matapos lumaganap sa maraming lugar sa mundo ang karamdaman
Tatlong malalaking eSports league ang nagpaliban ng kanilang mga event sa takot sa Wuhan coronavirus.
Kinansela ng Blizzard ang kanilang Overwatch League na gaganapin sana sa Pebrero hanggang Marso.
Nagdesisyon din ang World Electronic Sports Games (WESG) na i-postpone rin ang WESG Asia Pacific Finals na dapat na nakatakda sa buwang ito sa Macau.
Hindi na rin tuloy ang League of Legend’s Chinese League at LoL Pro League (LPL).
Nakakaalarma na ang sitwasyon hinggil sa paglaganap ng virus na kahit ang 2020 Tokyo Olympic Games ay nanganganib na makansela kung magpapatuloy ang paglawak ng nakamamatay na sakit.
Hanggang sa kasalukuyan wala pa ring maipaliwanag na posibleng gamot na papatay sa virus.
Kaya naman aking ibayong pinag-iingat ang lahat, at sana bantayan nating mabuti ang ating kalusugan at kaligtasan.
Manalangin din tayo sa itaas na matapos na ang Novel Coronavirus.