eSports lugi sa corona

Malaki ang lugi hindi lamang sa mga gamer sa buong mundo kundi pati na sa iba’t ibang mga negosyong nakasalalay sa computer technolo­gy ang paglaganap ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.

Malaki ang ibinaba ng mga posibleng kikitain ng mga nangungunang koponan sa eSports sa pagkansela ng mga nakatakdang torneo sa buong taon.

May nakasalalay na naglalakihang premyo habang hindi din nakabuwelo ang mga malala­king kompanya na maibahagi ang kanilang mga bagong ipinakikilalang produkto.

Pinakahuling nagkansela ang liga na ESL at kompanya ng Valve sa pag-postpone sa ikatlo sana na Major Championship ng Dota Pro Circuit 2019-20, ESL One Los Angeles dahil sa pagdeklara ni US President Donald Trump ng travel ban sa Europe.

Ipinahayag ng ESL sa isang opisyal na sulat sa website nito na ang ipinatupad na restrictions at ang sitwasyon sa paglaganap ng nakamamatay na COVID-19 ang pangunahing dahilan ng kanilang desisyon.

Hindi rin naisagawa ang pinakamalaki sana sa buong mundo na video game expo dahil sa pandemic.

Ang E3, o ang Entertainment Expo, na pinakamalaking video expo sa mundo kung saan ipinapakita ng mga developer ang kanilang mga bagong gawa at mga papalabas na proyekto ay kanselado dahil sa pandemic.

Isasagawa sana ang E3 sa Hunyo 9-11 suba­lit marami na sa mga developer ang agad na nagsiatras dahil sa pahayag ng World Health Organization.

Hindi lamang naman Esports ang apektado kundi pati na ang komunidad sa buong mundo ng sports, partikular ang mga mas matatag na National Basketball Association, ang football league sa Europa at maging ang mga Moto GP at Formula One Grand Prix.

Marahil, sadyang nangangailangan ang bawat isa sa atin ng matinding pag-iingat sa kumakalat na sakit habang pansamantala natin bigyan ng pansin at importansiya ang kalusugan at ang malinis na kapaligiran.