eSports patok sa Mindanao

level-up-lito-oredo

Napakalawak na ang inabot ng electronic sports o eSports sa bansa.

‘Di na lang sa Metro Manila nagaganap ang mga malalaking torneo, pati na rin pala sa pangunahing mga probinsya at papaangat na munisipalidad sa Mindanao.

Nabigyan ng pagkakataon ang inyong lingkod na mabatid ito sa muling pag-cover ng 62nd Palarong Pambansa 2019 sa Davao City. Nakita at nasuyod ko rito ang ilang mga lugar na aktibo sa mga torneo ng nasabing sport.

Akin pang nakilala ang pangunahing nag-oorganisa sa Mindanao. Siya ay ang purong Dabawenyo na si Micel Aragoncillo, isa rin sa mga umaasa na mapagtutuunan ng pansin ng pamahalaan ang maayos na pamamahala at pagsasagawa ng mga torneo na kinapapalooban ng mga makabagong teknolohiya.

Dinaos nito lang Abril 5-6 ang pinakaunang torneo na Inter-City Mobile Legends Match sa pagtutulungan ng MiCE Gaming at Cebu Esports United kung saan nagsidalo ang mga gamer ng Cagayan de Oro, Cebu at Cotabato.

Mas unang naisagawa ang Mobile Legends: Bang Bang bilang parte ng Mindanao Esports & Tech Summit noong Agosto 9-11, 2018 sa SM City Davao.

Pinaglabanan ang mga kategoryang 5v5 at 3v3 draft pick pati na ang 1v1 classic.

Optimistiko ang grupo ni Aragoncillo na magkakaroon ng lehitimong namamahalang asosasyon sa mga torneo sa bansa kung saan maaaring makasali ang lahat at mabigyan ng pagkakataong makabahagi rin sa iba’t ibang torneo sa mundo.

Sa kasalukuyan ay mahigit sa 60 iba’t ibang grupo ang sumasali sa mga torneo sa Davao habang aabot sa mahigit 200 ang mga asosasyon kung isasama ang Cebu at CDO.

Isang malaking pagkakataon din kung maisasali ang millenial sport sa Palarong Pambansa. Inaasahan kasing matututunan ang makabagong teknolohiya at pagpapaunlad sa pagtuturo ng mabilis na nabubuong mga application.