eSports sa Olympics!

Maliit na hakbang lamang ang unang pagsasagawa bilang demonstration sports noong 2018 Asian Games sa Jakarta, Indonesia at makasaysayang pagkakasali bilang regular na sports sa nakalipas na 2019 Southeast Asian Games ng kinikila­lang pinaka-advance at pinakapopular na sport na electronic sports o eSports.

Ito ang inihayag ni Asian Electronic Sports Fede­ration (AESF) President Kenneth Fok sa kanyang pagdalaw at pagtungo sa bansa upang maging technical director ng pinaglabanan na anim na game titles sa nakalipas na 30th SEA Games.

Optimistiko si Fok na mapapabilang na sa mga regular na medal sports ang eSports sa kada apat na taong Olympic Games matapos itong paglabanan sa isasagawa sa susunod na taon na 2020 Tokyo Olympics.

“We are gearing towards that,” sabi ni Fok. “We are completely following the policy and guidelines set to us by the International Olympic Committee to reach all the requirements to be among the regular and medal sports in Olympics.”

Ayon kay Fok, isang multi-bilyong industriya ang eSports na naghihintay na mapalawak sa bansa.

Ang pagsasagawa nito sa mga malalaking internasyonal na torneo tulad ng Olympics, Asian Games at SEA Games ay parte lamang sa pagpapakita nito ng mga dinidebelop na mga bagong kaalaman sa pamamagitan ng mga laro at ang pagdidisenyo at paggamit ng mga makabagong teknolohiya.

Ang isasagawa na pagsali ng eSports bilang demonstration sports sa 2020 Olympic Games ang pinakakrusyal na hakbang ng AESF kung saan kabilang ang Pilipinas sa mga miyembro upang matupad na makilala ang isang asosasyon para sa eSports na magbibigay-daan din sa lahat ng mga bansa na maging lehitimo ang paglalaro ng mga computer games sa iba’t ibang internasyonal na torneo.

Hindi na malayo ang magkaroon ng bansa ng mga Olympian sa eSports.