eSports sa Olympics lumilinaw

level-up-lito-oredo

Unti-unti nang lumilinaw ang posibilidad na agad mapabilang ang electronic sports o eSports bilang medal event sa susunod na kada apat na taong Olimpiada.

Ito’y nang makumpleto ang representasyon ng mga kasaling rehiyon at mabuo ang mamumunong opisyales para sa sports base sa hinihingi na rekisitos ng International Olympic Committee (IOC) para mapabilang sa mga paglalabanang regular event sa Olympics.

Inihalal sa binuo na Asian Electronic Sports Federation (AESF) bilang pangulo ng Executive Board si Kenneth K.K. FOK, JP mula sa Hong Kong, China.

Makakasama nito bilang Vice-President para mamuno sa West Asia si Sheikh Abdullah Faleh Al Thani ng Qatar; sa Central Asia si Saken Mussaibekov ng Kazakhstan; sa South Asia si Lokesh Suji ng India; sa ASEAN si Dr. Tran Van Manh ng Vietnam; sa East Asia ay isang taga-People’s Republic of China, sa AIMAG si Mr. Azat Myradov mula sa Turkmenistan at Indonesian Asian Games Organizing Committee na si Harry Warganegara Harun ng Indonesia.

Ang Executive Board Members ay binubuo naman para sa West Asia nina Sheikh Fahad Al Sabah ng Kuwait at Hisham Al Taher ng UAE, sa Central Asia si Salamat Ergeshov ng Kyrgyzstan; sa South Asia at East Asia ay nakatakda pang pagbotohan habang sa ASEAN si Santi Lothong ng Thailand.

Kinilala naman ng Olympic Council of Asia (OCA) ang Asian Electronic Sports Federation (AESF) bilang tanging awtoridad sa electronic sports sa Asia.

Una nang pinaglabanan ang eSports sa 5th Asian Indoor and Martial Arts Games sa Ashgabat, Turkmenistan noong Setyembre 2017 at isinagawa bilang demonstration event sa nakalipas na 18th Asian Games sa Indonesia bilang parte sa pagkakakadagdag dito bilang official sport sa 2022 Asian Games sa Hangzhou, China.