Estrada, Revilla biktima ng selective justice

Tahasang sinabi ni dating Senador Jinggoy Estrada na naging biktima silang dalawa ni dating Senador Ramon Bong Revilla Jr. ng selective justice ng nagdaang administrasyon.

“We are really victims of selective justice,” diin ni Estrada.

Sina Estrada, Revilla at dating Senador Juan Ponce Enrile ay isa-isang kinasuhan ng Ombudsman ng plunder at graft sa Sandiganbayan noong 2014 kaugnay ng pork barrel scam ng negosyanteng si Janet Lim Napoles.

Noong Biyernes, inabsuwelto ng Special Division ng Sandiganbayan si Revilla sa kasong plunder habang guilty naman ang naging hatol sa dating staff nitong si Richard Cambe at kay Napoles.

Nakabinbin pa sa anti-graft court ang plunder at graft case nina Estrada at Enrile suba­lit pinayagan naman silang makapagpiyansa.

Ang tatlo ay parehong tatakbo sa senatorial elections sa Mayo 2019.

“Nasa taongbayan kung tatangkilikin kami alam naman ng taong bayan napagkaisahan kami ng administrasyon,” diin ni Estrada.

Ikinadismaya naman si Senador Leila de Lima ang pagkakaabsuwelto ni Revilla sa plunder case, kasabay ng babala na posibleng maabsuwelto din ang iba pang mambabatas na kinasuhan sa pork barrel scam ni Napoles.

“I could only shake my head in utter disbelief and dismay. Yesterday was a sad moment for truth, justice and accountability.” diin ni de Lima sa isang statement.

“At a time when pork barrel is making a comeback in Congress with the House giving Speaker Gloria Macapagal-Arroyo’s district P2.4 billion, the acquittal of former Sen. Bong Revilla by the Sandiganbayan in the Napoles PDAF Scam plunder case sends the wrong signal.
With Revilla’s acquittal, it now appears that legis­lators are not responsible for how they use their pork, even if this ends up being plundered.” dagdag ng senador.

Si De Lima ang siyang naghain ng kaso laban kina Estrada, Revilla at Enrile sa Ombudsman noong ito ang kalihim ng Department of Justice. Nakakulong ito ngayon sa Custodial Center ng Philippine National Police sa Camp Crame dahil sa kasong may kinalaman sa iligal na droga.