Kahabag-habag ang itsura nang matagpuan ang bangkay ng isang 24-anyos na lalaking estudyante na pinaniniwalaang hinoldap at pinatay pa ng suspek matapos makuha ang pakay na cellphone ng biktima, sa Brgy. Concepcion Uno, Marikina City kahapon nang madaling-araw.
Nakilala umano ang biktima sa pamamagitan ng mga nakuhang pagkakakilanlan sa kanya na si Francis Arnold de Leon y Hipolito na residente nang nasabing lungsod.
Batay sa nakalap na ulat mula sa Eastern Police District, bandang ala-1:20 ng madaling-araw nang matagpuan ang bangkay ng biktima na nakahandusay sa panulukan ng J. Molina at Blue Bird St., sa Brgy. Concepcion Uno.
Isang lalaking naglalakad pauwi ang nakakita sa biktima na nakahandusay sa kalsada kaya agad na ipinagbigay-alam ito sa mga nagpapatrolyang barangay tanod na siya namang tumawag ng Rescue 161.
Sa pagsisiyasat ng mga awtoridad sa bangkay ng biktima, nakitaan ito ng mga saksak sa kanyang dibdib at batok.
Ayon sa pulisya, posibleng hinoldap ang biktima dahil nawawala ang cellphone nito pero hindi naman kinuha ng suspek ang iba pa niyang gamit kagaya ng laptop at pitaka na nakalagay pa sa kanyang backpack.
Kasalukuyang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga pulis-Marikina para malutas ang krimen.