Isang 25-anyos na estudyante ang nasa kritikal na kalagayan ngayon matapos na tamaan ng bala mula sa apat na kalalakihang target na patayin ang isang binatilyo sa lungsod ng Navotas kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang mga biktimang sina Kevin Earl Nacino, 25-anyos ng Block 25, Phase II, Kaunlaran Village, Barangay North Bay Boulevard South (NBBS) ng nasabing lungsod at binatilyong nakilala lamang sa alyas ‘Boy’, 17-anyos na noon ay naglalakad sa lugar na siya talagang target ng mga salarin kasama ang kanyang mga kabarkada.
Ganap umanong ala-1:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente habang nakikipag-inuman ang biktimang si Nacino sa nasabi ring lugar nang bigla na lamang umanong pagbabarilin ng apat na mga suspek ang naglalakad na binatilyo.
Doon na tinamaan ng ligaw na bala si Nacino sa kanyang kanang puwitan at kaliwang binti na kasalukuyang sumusuka habang nasa inuman, habang tinamaan naman sa kanyang likuran ang binatilyo na nagawa ring makatakas mula sa mga bumabaril sa kanya na ngayon ay inaalam pa ang kinaroroonan. Agad namang naisugod si Nacino sa Manila Central University (MCU) Hospital at kasalukuyang nilalapatan ng lunas.
Agad din namang nakatakas ang suspek na nakilalang si John Paul Austria ng Sawata St. ng Caloocan City.