Estudyante nadale ng ‘Budol-Budol’ sa mall

Inaresto ng Manila Police District (MPD) ang isang 45-anyos na lalaki na hinihinalang miyembro ng ‘Budol-budol Gang’ matapos mambiktima ng isang estudyante kamakalawa sa loob ng isang mall sa Tondo, Maynila.

Nabatid kay MPD Director PS/Supt. Vicente Danao Jr., nadakip at sasampahan ng kasong swindling ang suspek na si Edwin Babon, taga-Tondo.

Tinutugis naman ang kasamahan nitong si alyas ‘Grace’ nasa 30-anyos.

Itinuro si Babon ng biktimang si Madelyn Grace Aboganda, 20, estudyante, ng Navotas City na siyang nambiktima sa kanya dakong alas-12:00 nang tanghali sa loob ng Dragon 8 Mall sa Claro M. Recto Avenue, Tondo.

Sa imbestigasyon ni PO2 Michael Permano, ng MPD-Moriones Police Station 2 (PS-2), nasa mall ang biktima nang lapitan ni Babon at nagpanggap na tiyuhin niya.

Humiram umano ng P800 sa biktima ang suspek at pina­ngakuang papalitan sa araw din iyon.

Si Grace naman umano ang humiram ng Cherry Mobile Flare S6 ng biktima at sinabihang ibibili na lamang siya ng bagong cellphone.

Nang makuha ang pakay ay umalis na umano ang mga suspek at sinabihan ang biktima na maghintay na lamang sa loob ng mall dahil may bibilhin lamang sila.

Nang magduda ay nagsumbong na sa guwardiya ang biktima hanggang sa mamataan si Babon sa labas ng mall habang nakatakas naman si Grace.

Nabawi kay Babon ang cellphone ng biktima pero hindi na nakita si Grace. (Juliet de Loza-Cudia)