“Kung mamamatay ako ngayon ano ang message mo sa akin?”
Ito ang nakasulat na mensahe sa Facebook account ng isang estudyante bago ito nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbibigti sa sarili sa Malabon City, kamakalawa nang gabi.
Hindi na umabot pa sa Ospital ng Tondo si John, 18, taga-Barangay Flores ng nabanggit na lungsod.
Ayon sa ina ng biktima, pinuntahan niya ang anak sa kuwarto upang ayaing maghapunan sana dakong alas-11:30 nang gabi.
Hindi daw kasi ito lumabas ng kuwarto ng gabing iyon kaya nagpasya na ang ina na pasukin na ito.
Laking gulat ng nanay nang bumulaga sa kanya ang anak na nakabigti na sa kuwarto nito gamit ang blanket na ipinulupot sa leeg at itinali sa kisame.
Ayon sa pamilya ni John, naging malulungkutin ito nitong nagdaang mga araw.
Hindi kinumpirma ng pamilya kung babae ang dahilan ng depresyon ni John kaya nagbigti ito.