Arestado ang isang estudyante at kasama nito habang nakatakas ang isa pa matapos makumpiskahan ng 116 plastic sachet ng shabu na nagkakahalagang P1.5 milyon sa isina­gawang buy-bust ope­ration ng Makati City Police kamakalawa.

Kinilala ni Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police ang tatlong suspek na sina Melvin Bulado, 21, merchandizer, taga-Barangay Bangkal; John Arman alias ‘Jerome’, 22, 2nd year Business Administration student at taga-nasabing lunsod. Pinaghahanap naman si Edgardo Sanchez, ng Brgy. Bangkal, Makati City.

Ayon kay Simon, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa talamak na pagbebenta umano ng droga ng tatlong suspek sa nasabing lugar.
Alas-kuwatro ng hapon nang magsagawa ng buy-bust ope­ration ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Jelson Vigila sa Brgy. Bangkal.

Isa sa mga tauhan ng SDEU ang nagpanggap na poseur buyer. Nang aktong iaabot ng mga suspek ang droga ay dito na sila dinakma na ikinaaresto ng dalawa habang nakatakas si Sanchez.

Nakumpiska sa grupo ang 116 plastic sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang P1.5 milyon,­ isang plastic ng pinatuyong marijuana na nagkakahalagang P2,000, kalibre 40 Taurus pistol na may mga bala, kalibre 45 baril at mga drug paraphernalia. (Armida Rico)