Isang estudyante ang nakapatay ng kahera ng isang convenience store sa lungsod ng Lipa, Batangas noong Miyerkoles, matapos umanong magdilim ang kanyang paningin dahil sa labis na puyat mula sa paggamit ng computer.

Naaresto na ng mga pulis ang suspek na si ‘Michael’ (‘di tunay na pangalan), 19-anyos, kamakalawa ng gabi sa Bauan, Batangas matapos na ito ay positibong kinilala ng isa sa mga testigo.

Batay sa imbestigasyon ng Lipa City police, bandang alas-5:20 ng umaga nang pagsasaksakin ng isang lalaki ang crew ng Mini Stop convenience store na si Myla Marasigan sa Brgy. Sico, Lipa City.

Um-order pa ng kape ang suspek bago niya pinagsasaksak ang 34-anyos na kahera gamit ang kutsilyo ng tindahan at tangayin ang P13,000 kita nito, sabi ng pulisya.

Natagpuan sa crime scene ang pitaka ng suspek na may lamang ID, litrato at ATM card.

Ayon sa suspek, nagdilim lang umano ang kanyang paningin dahil sa puyat sa kaka-computer kaya nasaksak niya ang biktima.