Laking paghihinagpis ng mga kaanak ng isang dalagitang high school student na nakuryente habang namamasyal sa parke sa Mulanay, Quezon Miyerkoles ng gabi.

Nasawi at hindi na nakaabot ng buhay sa ospital ang biktimang si Pricila Sabid Peñaflor, 14, taga-Brgy. Butanyog sanhi ng tinamong mga paso at sunog sa katawan.

Sa report ng Mulanay police, alas-otso ng gabi, kasama ng mga kaibigan at kaanak, namasyal ang biktima sa Mulanay Tao Park kung saan isa sa mga panguna­hing atraksyon ay mga Christmas decor at Christmas light.

Habang nagse-selfie ang biktima sa isa sa mga dekorasyon, bigla na lamang itong nangisay matapos mapahawak sa isang live wire.

Agad itong isinugod sa Catanauan District hospital subalit dineklara na itong dead-on-arrival ng doktor.

Nakatakda namang magsampa ng demanda ang pamilya laban sa mga responsable sa insidente.

Paiimbestigahan naman ng lokal na pamahalaan ng Mulanay ang kontraktor na gumawa ng proyekto ng naturang bayan. (Ronilo Dagos)