Estudyante nasabugan ng Cherry mobile phone

Doblehin ang pag-iingat sa paggamit ng cellphone makaraang isang grade 11 student sa Odiongan, Romblon ang muntik nang mabulag matapos sumabog sa mukha nito ang battery ng tsina-charge na Cherry Mobile phone noong Martes.

Kuwento ng biktima na itinago sa pangalang ‘Totoy’ habang naka-charge umano ang cellphone ay binuksan niya ang likod nito at sinubukang tanggalin ang battery ngunit bigla itong pumutok sa harapan ng mukha niya.
Sunog ang battery ng cellphone ng biktima.

Hindi naman siya nagtamo ng paso sa mukha, ngunit tumalsik umano ang ilang powder galing sa sumabog na battery sa kanyang mata.

“Parang hindi ako makakita, naghilamos ako agad ng tubig, parang nakakadilat ako pero mahirap idilat kasi masakit. Nakakita siya pero masakit talaga idilat,” kuwento ni Totoy.

Kuwento pa ng lolo ng biktima, narinig niya umano na may sumabog at maya-maya’y lumabas na ang bata at nagpapadala na sa ospital.

Sa ospital ay mabilis na ginamot ang mata ng biktima at sinabihang sanayin na nakadilat ang mga mata.
Muling ipinayo ng doktor na huwag gamitin ang cellphone habang naka-charge.

Samantala, nagbigay ng pahayag sa Abante Tonite ang kampo ng Cherry Mobile hinggil sa insidente at sinabing aalamin muna nila kung battery nga ng kanilang cellphone ang sumabog na baterya.

Nangako silang tutulungan ang biktima sa pagpapagamot sakaling sa kanila nga ang sumabog na battery.