Estudyante patay sa trip ng fratmen

Pinagtulungang bugbugin at pagsasaksakin hanggang sa mapatay ang isang 18-anyos na estudyante matapos mapagtripan ng apat na miyembro ng isang fraternity sa Brgy. San Antonio, Makati City kahapon.

Hindi na umabot ng buhay sa Sta. Ana Hospital dahil sa limang saksak sa dibdib at iba pang bahagi ng katawan ang biktimang si John Ernest Rivera, Grade 11 at naninirahan sa No. 1888 Eureka St., Brgy. La Paz ng nasabing lungsod.

Sa follow-up operation ng mga tauhan ng Station Intelligence Unit ng Makati Police, isa lang sa mga suspek ang naaresto pero hindi na ito pinangalanan dahil 16-anyos pa lamang.

Nangyari ang insidente sa harapan ng San Antonio High School na matatagpuan sa Mayapis St. corner Kaong St., Brgy. San Antonio kung saan habang naglalakad ang biktima ay nilapitan ito ng mga suspek, pinalibutan saka pinagtulungan nang bugbugin hanggang sa pinagsasaksak.

Kitang-kita pa sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) sa lugar na nagtakbuhan ang mga suspek matapos bumulagta ang biktima.