Isang malakas na suntok ang kumitil sa buhay ng isang estudyante nang bigwasan siya ng kanyang kainuman sa Tagaytay City, Cavite.

Namatay habang ginagamot sa ospital ang biktimang si Patrick John Ernie, 22-anyos, ng Pabahay, Brgy. Mendez Crossing East, Tagaytay City, dahil sa tinamong suntok mula kay John Carlo Aterado, 23, ng Brgy. Mendez Crossing East Tagaytay City.

Sa ulat ni PMSgt. Jude Camitan, ng Tagaytay City Police Station, alas-otso kamakalawa nang gabi nang naganap ang insidente sa Brgy. Zambal, Tagaytay City kung saan nag-iinuman ang biktima at kapatid nitong si Jayson, suspek at ilang kaibigan.

Sa gitna ng inuman ay nagtalo ang suspek at si Jayson. Nang mapansin ito ng biktima ay lumapit ito na inakala umano ng suspek na magkakampihan at susuntukin ito ng magkapatid kaya inunahan na niya ng suntok sa mukha ang biktima na ikinabagsak nito at nawalan nang malay.

Isinugod ang biktima sa ospital subalit namatay ito habang ginagamot dahil sa intracranial hemorrhage.

Tumakas ang suspek at nagtago subalit naaresto rin ito sa follow-up operation. (Gene Adsuara)