Kailangang i-maintain ng mga iskolar ng bayan ang kanilang grado at siguraduhin wala silang bagsak na subject dahil kapag nangyari ito, ay hindi na sila puwedeng malibre sa tuition fees at iba pang bayarin sa esuwelahan.

Ito ang napag-alaman kay Sen. Bam Aquino, isa sa mga may-akda sa Republic Act (RA) 10931 o “Universal Access to Quality Tertiary Education Act” na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Agosto 3.

“Iyung pag-uusap sa deliberation, siguro naman dapat walang bagsak ang mga estudyante kasi mahalaga po na mayroong kapalit,” ani Aquino sa isang panayam sa radyo kahapon.

Sa ilalim ng nasabing batas, libre ang tuition fees at iba pang school fees sa mga State Universities and Colleges (SUCs) kasama ang mga local government universities (LUCs) at mga Technical Education Skills Development (TESDA) accredited vocational schools.

Gayunpaman, hindi umano puwedeng malibre sa mga bayarin ang mga estudyante na hindi sineseryoso ang pag-aaral at mayroong mga bagsak na subject dahil kung mangyayari ito ay pagbabayarin na ang mga ito.

“Iyung intention po namin sa Senate, kung may bagsak then the next semester, hindi ka puwedeng mag-avail. Pero kung naa­yos mo naman iyun at pumasa ka na, pwede ka nang mag-avail ulit,” ani Aquino.