Nagpapatawa lang umano ang komedyante at singer na si Ethel Booba sa komento nito sa kinukuwestiyong mamahaling cauldron o ‘kalderong ginto’ para sa Southeast Asian Games (SEAG).
Ito ay matapos ihayag ng komedyante na papayag siyang gamitin ang cauldron na ginastusan ng P55 milyon basta ang gagawing panggatong ay ang mga kurakot sa gobyerno.
“Sulit ang cauldron kung corrupt officials ang gagawing panggatong sa apoy. Charot,” ang naging kontrobersyal na tweet ni Ethel.
Dahil dito, humamig ng maraming komento at likes ang tweet ni Ethel.
At bilang reaksyon, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na naniniwala itong dahil isang komedyante si Ethel Booba ay nagpapatawa lang ito.
Nasagot naman aniya ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang mga kuwestiyon sa kontrobersiyal na cauldron at sumasakay na lamang ang ilang indibidwal.
“Naniniwala na akong komedyante siya, nagpapatawa talaga siya,” ani Panelo.
Sari-saring reaksyon ang kumalat sa social media at maging sa ilang mambabatas matapos ibunyag ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na umaabot sa P45-55 milyon ang ginastos para lamang sa cauldron.
Magugunita na ipinagtanggol pa ni Cayetano, chairman ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc), ang ‘kalderong ginto’ na maaari umanong maibenta ng P100 milyon. Gayunman, hindi umano ito ibebenta dahil parte na ito ng kasaysayan ng bansa. (Aileen Taliping)