Naglabas ng pahayag ang totoong may-ari ng Twitter account na @IamEthylGabison ni Ethel Booba.
Tumangging magpakilala ang naturang administrator pero aniya hindi totoong pina-take down ang @IamEthylGabison Twitter account na may 1.6 milyong followers.
Pansamantala raw itong in-off air bilang proteksyon matapos ibunyag ni Ethel na hindi kanya ang nasabing account, sabi pa ng administrator sa ulat ng PhilStar.
Ayon sa kanya, hindi kay Ethel ang nasabing social media account na nagsimula bilang parody page noong 2012.
Hindi raw niya kilala nang personal si Ethel pero noong magsimulang sumikat ang @IamEthylGabison account ay inari na umano ito ng komedyana.
Wala rin daw siyang natatanggap na kabayaran sa mga nakatatawang hirit niya sa account.
Si Ethel aniya ang kumita sa @IamEthylGabison account dahil pino-forward niya sa comedienne ang lahat ng gigs at inquiries para rito.
Umano’y nagpapabayad si Ethel sa bawat appearance ng P80,000 hanggang P100,000.
Maliban sa Twitter account, sinabi ng administrator na siya rin ang nagsulat ng librong “Charotism” at walang kontribusyon dito si Ethel.
Sa kabila na wala siyang kinikita sa @IamEthylGabison account, panay lang ang tweet niya ng nakakatawa “for fun”.
Matatandaang sa kanyang vlog sinabi ni Ethel na hinayaan niyang tumakbo ang @IamEthylGabison account dahil nakakatawa ang mga tweet doon at nakakalibre siya sa admin. (IS)