Fergus Josue, Jr.

Wala sa 23-man line-up ng Philippine Azkals si goalkeeper Neil Etheridge para sa kampanya at unang appearance ng National Team sa AFC Asian Cup sa susunod na taon.

Inanunsyo Huwebes ng gabi ang lineup ng Pilipinas sa pa­ngunguna nina Phil Younghusband at Stephan Schrock. Wala ang pangalan ni Etheridge, na isa sa mga naging susi ng koponan noong qualifiers.

Binalasa ni Azkals coach Sven Goran Eriksson ang roster, puro beterano ang isinama nito para agarang makasabay sa mga karibal na South Korea, China at Kyrgyzstan sa kanilang bracket.

Ang manlalarong pinili ni coach Eriksson at ng kanyang staff ay may 608 appearances sa National Team, kasama na ang malalaking pangalan gaya ng magkapatid na sina Phil at James Younghusband na may 105 at 100 appearances.

“I think we have formed a great group of players ready to represent the country in our biggest tournament yet,” wika ni Azkals manager Dan Palami.

Isa sa mga nakakagulat na pasya ang pagdagdag kay Miguel Tanton, na isa mga top midfielder ng bansa mula Ceres-Negros ng Philippine Football League, sa tropa dahil hindi ito kasama sa build-up noong qualifiers.

Tinanggal si Etheridge dahil sa isang laro lang siyang puwedeng makasalang, laban kontra South Korea sa Enero 7 dahil na rin sa commitment nito sa kanyang English Premier League club na Cardiff City.