Eumir puwede pa rin sa Olympics kahit mag-pro

Hindi mawawala ang puwesto ni Eumir Felix Marcial sa 32nd Summer Olympic Games 2020 na inurong na sa Hulyo 2021, at tuparin ang pangarap ng ama para sa medalyang ginto roon kahit pumirma pa ng kontrata na maging professonal boxer.

Ito ay dahil ang isang atleta na kinukunsiderang amateur o professional na estado sa isang pisikal na sport ay maaari na ring sumabak sa quadrennial sportsfest.

Kaya sa teknikal na usapan, pupuwedeng sumabak para sa asam na Tokyo Olympics 2020 gold medal si Marcial kahit kahit na lumagda pa ng kontrata at sumalang sa mga pro bout.

Mismong ang International Boxing Association (AIBA) ang nagbukas ng daan para sa paglahok ng mga pro boxer sa Olympics na unang pinatupad sa ika-31 edisyon ng kompetisyon noong 2016 sa Rio de Janeiro .

Unang idinaos ng AIBA ang World Series of Boxing kung saan pinaglaban-laban ang mga miyembrong bansa nila para sa premyo at titulo sa bawat kategorya kagaya sa pro. Suspendido nga lang ang AIBA sa International Olympic Committee (IOC) dahil sa mga kontrobersiya ng dayaan sa mga laban sa matagal nang panahon.

Ang IOC boxing task force na mamahala sa Tokyo Games boxing, nagpahayag na ring itutuloy ang pagtanggap sa mga pro at amateur boxer sa 2021 katulad noong 2016. (Lito Oredo)