Pinakilos kahapon ng Malacañang ang Disaster Response Task Force ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kasunod ng nararanasang walang patid na pag-uulan sanhi ng paghatak ng low pressure area na nasa 470 kilometers north ng Itbayat, Batanes.
“The Secretary of National Defense has directed the AFP to activate their Task Force; they are getting reports from MMDA on the status of Marikina River and are preparing for preemptive evacuations,” ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella.
Ayon sa Malacañang, nakatutok ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) gayundin ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagtaas ng tubig sa Marikina River at anumang aberya ay nakahanda ang mga local government units na magsagawa ng preemptive evacuation.
Ang aksyon ng pamahalaan ay kasunod ng anunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na patuloy na mararanasan sa susunod na tatlo hanggang limang araw ang mga pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon at Western Visayas.
Sa briefing na isinagawa kahapon ng Pagasa, sinabi nito na epekto ito ng low pressure area (LPA) sa northern boundary ng Philippine Area of Responsibility (PAR) gayundin dahil sa ang tropical depression ay nasa 1,955 kilometers sa silangan ng Luzon na parehong humihila sa southeast monsoon.
Hindi pa naman umano makakaranas ng bagyo ang bansa sa loob ng tatlong araw dahil sa ang LPA na kumikilos patungong China ay may mahinang tsansa na makabuo ng cyclone dahil matutunaw din ito sa loob lang ng isang araw habang ang tropical depression sa silangang bahagi ng Luzon ay kumikilos naman palayo sa bansa at hindi papasok sa PAR.
Kaugnay nito, nagbabala ang Pagasa na maaaring magdulot ang monsoon rains ng flashfloods at landslides sa Metro Manila gayundin sa Ilocos region, Central Luzon, Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).
Habang ang Western Visayas at iba pang nalalabing bahagi ng Luzon ay asahan ang maulap na kalangitan na may kasamang mahina hanggang sa katamtamang pag-uulan at thunderstorms.
Makakaranas din ang iba pang bahagi ng bansa ng maulap na kalangitan na may isolated rain showers o thunderstorms.
Malamang nauna pang mag evacuate si mang kanor pa davao…sarap buhay…hehehe
hahahaha