Kalaboso sa San Juan City ang dating nobyo ng isang kolehiyala at kasamahan nito, makaraang kikilan at takutin pa ang biktima na ikakalat sa social media ang sex video nito at ng ex-boyfriend.

Kapalit ang P50,000 buburahin umano ang sex video ng biktima at ng dati nitong nobyo at suspek din na si John Paul Salaño, 25, at kasama nitong si Joseph Roque, 24, na pawang taga-Quezon City, pero hindi naging matagumpay ang dalawa makaraang malambat sa entrapment ope­ration sa San Juan City kamakalawa nang hapon.

Nakilala ang biktima na itinatago sa pangalang ‘Joy’, 18-anyos, 1st year college student.

Ayon sa biktima, nagsimula ang pananakot ng mga suspek sa kanya noong Pebrero 16 at sinabing ipo-post sa Facebook ang sex video nila ng kanyang dating nobyo. Nakipagtawaran pa si Joy sa nasabing halaga hanggang sa umabot na lamang ng P25,000.

Unang naaresto si Roque na sinundan ng pagkadakip kay Salaño sa hiwalay na operasyon. Nakuha mula sa mga suspek ang cellphone na naglalaman ng umano’y sex video.

Nakakulong na ang dalawang suspek at nahaharap sa kasong robbery-extortion at anti-voyeurism act.