Inuulan pa rin ng death threats mula sa mga nasagasaan na druglords si resigned Customs Intelligence chief Neil Anthony Estrella dahil sa kanyang operasyon laban sa illegal drugs.

Siniguro naman ng kampo ni Estrella, hindi ito matitinag ng mga death threats na kanyang tinatanggap pero lubos siyang nag-aalala para sa seguridad ng kanyang pamilya.

Wika pa ni Estrella, nagsimula lang na tumanggap siya ng death threats nang masabat niya ang P900 milyon shabu sa Cagayan Valley, ang floating shabu laboratory sa Subic at ang P6.4 bilyon shabu shipment na mula China.

Igniit naman ng bemedalled soldier, tapat ang kanyang naging paglilingkod sa taumbayan at hindi niya dudungisan ang kanyang pangalan at sa katunayan ay puwedeng silipin ng mga mambabatas ang kanyang naging achievemnts noong nasa Armed Forces of the Philippines (AFP) pa ito.

Umaasa ang kampo ni Estrella na mas bibigyan ng bigat ng Senado ang kanilang sakripis­yo sa paghuli ng droga na naging dahilan upang mapigilang kumalat ito sa merkado kaysa usisain ang legalidad ng kanilang operasyon.

Sinabi pa ng mga observers, sa halip na kastiguhin ng Senado ang team ni Estrella sa minor lapses ng mga ito ay mas dapat pa ngang bigyan ng pagkilala ang kanilang grupo dahil hindi birong halaga ng illegal drugs ang kanilang nasabat at napigilang kumalat sa merkado.

Wika pa ng kampo ng BOC (Bureau of Customs) official, naging prayoridad niya ng makatanggap ng impormasyon mula sa China hinggil sa drug shipment ay makumpirma na positibo ang droga sa shipment at maharang na kuma­lat ito sa merkado kaya bumuo agad siya ng team ang nagtungo sa bodegang pag-aari ni Mr. Richard Tan sa Valenzuela City noong Mayo 26.

Ipinagbigay-alam agad niya ito sa kanyang superior na si Comm. Faeldon hanggang sa magpalabas ito ng Letter of Authority (LOA) para mapasok ang nasabing bodega hanggang sa makumpirma sa limang cylinder na naroroon ang P6.4 bilyong worth ng shabu.