Naghain ng motion for reconsideration with motion to re-open ang kampo ng nakakulong na dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez para ikunsidera ng Sandiganbayan Fifth Division ang desisyon nitong kumpiskahin ang mga ari-arian ng kanyang pamilya.
Unang naglabas ng desisyon ang Sandiganbayan noong Hulyo 18, 2016 na kumpiskahin ang 22 lupain ni Sanchez na pawang matatagpuan sa Calauan, isang residential building, tatlong sasakyan at shares sa ERAIS lending company.
Hindi umano naniniwala ang anti-graft court na mula sa suweldo ni Sanchez galing ang napundar na mga ari-arian dahil sa kabila umano ng kaliitan ng sahod ay marangya ang pamumuhay ng pamilya nito at may anak pang nag-aaral sa London.
Subalit sa mosyon na inihain ni Atty. Alexander Nala, abogado ni Sanchez, sinabi nito na mayroong mga negosyo ang kanyang kliyente na siyang pinagkunan para mabili ang mga nabanggit na ari-arian kaya humingi ito ng konsiderasyon sa korte.
Nakakulong si Sanchez sa New Bilibid Prison dahil sa kasong rape-slay kay Eileen Sarmenta at murder sa boyfriend nitong si Allan Gomez, mga estudyante ng University of the Philippines Los Baños noong 1993.