Ex-Calauan Mayor Sanchez lalaya na

Posibleng makalaya na sa loob ng dalawang buwan si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez mula sa pagkakabilanggo sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City matapos mapatunayang guilty sa kasong pagpatay at panggagahasa sa dalawang estudyante ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) noong 1993.

Sa panayam kagabi ng dzMM kay Bureau of Corrections (BuCor) Director General at Undersecretary Nicanor Faeldon, sinabi nito na kabilang si Sanchez sa mahigit 10,000 preso na kanilang isinasailalim sa evaluation para makalaya na batay sa bagong batas at sa Supreme Court (SC) ruling.

Ang tinutukoy na batas ni Faeldon ay ang Republic Act No. 10592 na dinagdagan ang Good Conduct Time Allowance (GCTA) ng mga preso.

Ayon kay Faeldon, kuwalipikado sa batas ang mga preso na nagpakabait, nagpakita ng good performance at naging produktibo sa panahon ng kanilang pananatili sa bilangguan.

Batay sa SC ruling, “retroactive” ang bagong batas na ito kung kaya’t puwedeng i-apply sa mga presong nakulong bago pa man pinagtibay ang RA 10592.

Marso 1995 nang hatulan ni Judge Harriet Demetriou ng pagkabilanggo (pitong reclusion perpetua o 40 taon na pagkabilanggo) si Sanchez at iba pang kapwa akusado nito sa rape-slay kay Eileen Sarmenta at sa pagpatay sa boyfriend nitong si Allan Gomez.

Maliban kay Sanchez ay walang binanggit si Faeldon kung may iba pang high-profile inmate ang makakalaya na rin.