Arestado ng pinagsanib na pwersa ng Cavite Provincial Intelligence Branch at Cavite SWAT Team, ang umano’y ex-convict pati ang anak nito, sa naganap na police operation sa Barangay Pasong Buaya 1, Lungsod ng Imus, Cavite.
Dakong alas-siyete ng umaga nang ihain nina P/Supt. Gil Torralba, PIB Chief, ang search warrant laban kay Emiliano Ilas y Komang, 47-anyos, dahil sa pag-iingat umano nito ng iligal na droga at baril.
Sa proseso ng paghahalughog ay narekober ang tig-isang glock cal .40 na may tatlong magazine na puno ng live ammo, at cal .38 revolver. Nakuha rin ang humigit kumulang sa 10 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P100,000; weighing scale at drug paraphernalias.
Dinakma rin ng operatiba ang anak ng suspek na si Jeffrey Ilas, 28, nang makuha sa nakaparadang sasakyan nito ang isang cal .45 na may 4 na magazine at higit sa 100 live ammo.