Ipinapadeklara bilang ‘nuisance’ o panggulong kandidato ng Commission on Elections (Comelec) Law Department ang da­ting tagapagsalita ng binuong Consultative Committee (ConCom) ng Malacañang kaugnay ng pag-amyenda sa 1987 Constitution.

Ito ay si Conrado Gene­roso na nagsilbing technical assistant ni da­ting Chief Justice at ConCom Chair Reynato Puno.
Sa petisyong isinumite ng Comelec Law Department sa Commission en Banc, duda sila sa kapasidad ni Gene­roso na maglunsad ng malawakang kampanya dahil sa kawalan ng malinaw niyang pinansiyal na kapasidad.

Si Generoso ay kumakandidato sa pagka-senador.

Partikular na kinukuwestiyon ng Come­lec Law Department ang lehitimong intensyon ni Generoso para kumandidato sa pagka-senador.

Layon lamang umano niyang hiyain ang proseso ng eleksyon sa bansa.

Ang kinaaaniban din umanong political party ni Generoso na Katipunan Party, bagama’t rehistrado at may accreditation, ay nabigong magsumite ng listahan ng awtorisadong lagda at specimen signature na hinihingi ng Comelec.