Ex-Cong, mga aktibista inaresto sa relief operation

Hindi pinalusot sa checkpoint ang grupo ni dating Anakpawis party-list Rep. Ariel Casilao na mamimigay sana ng relief goods sa mga magsasaka sa Norzagaray, Bulacan nitong Linggo ng umaga.

Base sa ulat, inaresto si Casilao at ang walo pa niyang kasamahan dahil sa paglabag sa quarantine protocol sanhi ng kawalan ng travel pass nang dumating sa isang checkpoint sa boundary ng Norzagaray at San Jose del Monte City dakong alas-10:00 ng umaga kahapon.

Ayon kay Norzagaray Police chief Lt. Col. Jaime Quicho, mayroon din umanong mga dokumentong natagpuan sa mga dalang relief goods ng grupo ni Casilao na nagsasaad ng mga pahayag laban sa pamahalaan.

Kakasuhan umano ang grupo ng dating mambabatas ng disobedience to a person in authority na ugnay sa ipinatutupad na enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Nabatid na kabilang sa mga inaresto ay mga volunteer ng Tulong Anakpawis at Sagip Kanayunan.

Mamimigay sana ang mga volunteer ng “nutri-lief bags” sa mga mangingisda at magsasaka sa Norzagaray na naglalaman ng bigas, gulay, mga rekado, kape, itlog, sabon, alcohol at vitamins.

May nakasulat din umano sa mga relief bags ng panawagan para sa pagsasagawa ng mass testing.

Nabatid na pinayagan din makaalis sa himpilan ng pulisya ang grupo kahapon ng tanghali para madala ang mga relief goods sa mga residente ng Norzagaray subalit pinabalik din ng mga awtoridad sa presinto. (Ray Mark Patriarca)