Napatunayang nagkasala sa kasong libelo kaya hinatulan kahapon ng Quezon City Regional Trial Court Branch 22 si dating Senior Citizens Party-List congressman Godofredo Arquiza na mabilanggo ng hanggang dalawang taon.
Kinasuhan si Arquiza ng libelo ng 1st nominee ngayon ng nagwaging Senior Citizens Party-List na si Rep. Francisco Datol Jr. matapos itong siraan na maraming kasong kriminal at nagtatago sa batas para i-disqualify ng Commission on Elections (Comelec).
Ngunit matapos ang paglilitis sa Crimnal Case No. R-QZN-15-0800–CR, napatunayang nagsinungaling si Arquiza sa kanyang mga paratang sa Comelec kaya hinatulan siya ni Judge Tita Marilyn Payoyo-Villordon ng mula apat na buwan hanggang dalawang taong pagkabilanggo at pinatawan ng multang P2,000 sa kasong paglabag sa Artikulo 355 ng Revised Penal Code o libelo. Pinagbabayad din siya ng P25,000 moral damages kay Datol.
Sinabi ni Datol na doble ang kanyang panalo sa pagkapataw ng guilty kay Arquiza dahil napatunayan din niya sa Comelec na siya at ang 2nd nominee na si Gng. Mila Magsaysay ang tunay na nominado ng Senior Citizens Party-List na may dalawang slot sa Kongreso.
Inaasahang mauupo na sina Datol at Magsaysay sa House of Representatives anumang araw dahil pormal na silang ipoproklama ng Comelec matapos mapatunayang sila ang tunay na nominado ng partido at hindi ang paksiyon ni Arquiza.