Bangkay na bumulagta ang dalawang katao kabilang ang isang dating pulis, habang 90 na drug persona­lities ang naaresto sa isina­gawang buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng Quezon City Police District (QCPD) at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa magkahiwalay na lugar sa Quezon, City, kahapon ng umaga.

Sa report, kinilala ni QCPD Acting Director Sr./Supt. Guillermo Lorenzo E­leazar ang nasawi na si da­ting PO1 E­ric Sander Gray na distributor umano ng iligal na droga sa Brgy. Payatas at Bagong Silangan, Quezon City at ang isang alyas Joseph na umano’y drug pusher sa lugar.

Lumilitaw na dakong alas-10:30 ng umaga ng isa­gawa ng PDEA ang buy-bust operation sa Bagong Silangan, kung saan isang ahente ang naging posuer buyer hanggang sa nauwi sa encounter na ikinasawi ng dalawa.

Narekober sa crime scene ang .45-caliber na baril at mga balang, .9mm pistol na may dalawang magazine at mga bala, plastic sachet ng shabu, P2,000 marked money.

Nagsagawa rin ng pagsalakay ang QCPD Station 6 sa Bicol Extn, Brgy. Payatas kung saan nangyayari umano ang pot session na nagresulta sa pagkaaresto ang 90 drug persona­lities na kinabibilangan ng 18-kababaihan at 72 mga kalalakihan.