Ex-cop tinapos sa 3-bala sa Cabanatuan

Tatlong tama ng baril ang tumapos sa buhay ng isang dating pulis na pinaratangang lider ng motornapping group makaraang pagbabarilin ng ‘di nakilalang riding-in-tandem noong Biyernes ng gabi sa Fajardo St., Bgy. Aduas Sur, Cabanatuan City.

Sa ulat ni Cabanatuan City police chief, PSupt. Ponciano Zafra, sa tanggapan ni P/Sr.Supt. Manuel E. Cornel, Nueva Ecija police director, nakilala ang pinaslang na si Ex-PO3 Edmundo Javate Plamenco, 38, may asawa, residente ng 344, Fajardo St., Bgy. Aduas Sur, Cabanatuan City.

Sa imbestigasyon ni PO2 Dionisio De Jesus, dakong alas-8:30 ng gabi nakatayo si Plamenco sa gilid ng tindahan ni Mary Jane Jamlang Rosanto noong barilin.

Nakarekober ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) Team ng tatlong basyo ng bala para sa kalibre .45 at isang sling bag na naglalaman ng gunting; disposable lighter at ilang empty plastic sachets mula sa biktima.

Binanggit pa sa ulat na ang napatay ay lider ng ‘Edmundo Plamenco Motornapping Group’ na sangkot sa motornapping activities sa Cabanatuan City at mga kalapit na munisipalidad sa Nueva Ecija.