Nasawi ang isang 56-anyos na manikyurista matapos na pagsasaksakin ng kanyang dating live-in partner sa San Pablo City noong Sabado nang gabi.

Kinilala ng San Pablo City Police ang biktima na si Sabrina Ojeda y Hernandez, residente ng Brgy. Santiago 1 sa nasabing lungsod.

Ayon kay SPO1 Romeo Alejandro, may hawak ng kaso, galit umano ang suspek na si Pablito De Villa y De Lunan sa biktima dahil sa apat na beses na siyang sinampahan ng kaso ng babae dahil sa pananakit, pangha-harass at pananakot dito.

Dakong alas-siyete ng gabi noong Sabado nang abangan ng suspek ang dating kinakasama habang papauwi na ito sa kanilang bahay at saka walang-awang pinagsasaksak na naging dahilan ng agarang pagkamatay nito.

Nagkahiwalay umano ang suspek at ang biktima dahil na rin sa laging pananakit ng lalaki na humahantong sa pagsasampa ng kaso ng babae.

Pinaghahanap pa ngayon ng mga pulis ang tumakas na suspek.