Hahawak ng bagong posisyon sa gobyerno bilang chairperson ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) si retired Col. Allen Capuyan na naugnay sa P6.4 bilyon shabu smuggling.
Sa inilabas na appointment paper mula sa Malacañang kahapon, pinangalanan si Capuyan bilang NCIP chairperson, na ang mandato ay protektahan at itaguyod ang interes ng mga katutubo.
Unang itinalaga si Capuyan bilang assistant general manager ng Manila International Airport Authority (MIAA) ngunit nag-resign nang maugnay sa kontrobersyal na P6.4 bilyong shabu shipment mula China noong 2017.
Sinasabing si Capuyan umano ang nagbigay ng code para hindi na dumaan ang mga shabu shipment sa X-ray inspection.
Matapos nito, Abril 2018 nang maging presidential adviser si Capuyan para sa indigenous people’s concerns.
Marso 2019 naman nang italaga si Capuyan bilang executive director ng National Secretariat ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict bago inupo bilang NCIP chairperson.