Ex-Mindanao solon kinasuhan sa PDAF 

Gregorio Ipong

Matapos ang 10 taon simula nang mangyari ang umano’y katiwalian sa paggamit sa kanyang pork barrel funds ay kinasuhan na ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ang isang dating kong­resista sa Mindanao.

Kasong malversation of public funds at paglabag sa Anti Graft and Corrupt Practices Act ang isinampa ng Office of the Special Prosecutors (OSP) kay dating Second District, North Cotabato Rep. Gregorio Ipong.

Bukod kay Ipong, kinasuhan din ang mga da­ting opisyales ng Technology and Livelihood Resource Center (TLRC) na sina Antonio Y. Ortiz, Dennis L. Cunanan at Marivic V. Jover at ang private individual na si Alfredo A. Ronquillo.

Base sa isinampang kaso, noong Abril 4, 2007 o 10 taon na ang nakakaraan, nagsabuwatan umano ang mga nabanggit na akusado para kunin ang may P9.6M sa gobyerno.