Tumataginting na $309,694 o higit P15M ang naibulsa ni ex-NBA cager Gilbert Arenas matapos manalo sa California lottery.

Pero mas limpak-limpak na salapi pa sana ang maiuuwi nito kung hindi nagmintis sa isang numero.

Ang mga numerong tinaya niya ay ‘7. 16. 27. 44. 52. 25.’

Dapat sana ay instant millionaire na siya sa Mega Million jackpot prize, pero minalas ang numero niyang 5 sa 25.

Nabatid na regular na tumataya ng lotto si Gilbert gamit ang alagang numero.

Bago nanalo, kinuwento ng dating player na naglaro sa NBA noong 2001-12 sa apat na team, huli sa Memphis Grizzlies, na papunta na sana siya sa tatayaan nang mapansing kapos na sa gas.

Nang mapadpad sa isang gas station ay may isang palaboy na lumapit sa kanya at nanghingi ng $5.

Natiyempong $10 lang ang dala niyang cash at ipinaliwanag na kailangan pa niyang magpa-gas.

Inalok naman umano niya ng $5 ang nasabing pulubi ngunit tinanggihan na rin siya nito at humirit na balatuhan na lang ng $20 dahil naniniwala itong mananalo ang basketbolista.

“You won’t make it on $5 so keep the $10 and after you win hook me up with $20!” saad saad aniya sa kanya ng namalimos.

Nang makakubra ay binalikan naman ng dating basketbolista ang palaboy at binalatuhan na ‘di na tinukoy ang halaga. (Aivan Denzel Episcope)