Ex-OFW nawalan ng trabaho, rumaket sa droga

Arestado ang isang dating overseas Filipino worker (OFW) sa isinagawang buy-bust operation ng mga pulis sa Valenzuela City kamakalawa ng gabi.

Ayon kay Valenzuela police chief Col. David Nicolas Poklay, ikinasa ang buy-bust operation bandang alas-siyete Lunes ng gabi at naaresto ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) si Jenny Ann Alvarez, residente ng Barangay Marulas.

Narekober sa suspek ang ilang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nasa P110,000 street value ang halaga at buy-bust money matapos iabot ng suspek ang isang pack ng shabu sa isang undercover police na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng marked money. Kasunod nito ay agad na rin siyang dinakip.

Sinabi pa ng suspek na nakuha niya ang droga sa kulungan sa Bulacan na ngayon ay under surveillance ng SDEU.

Aminado naman ang ginang na nagtutulak siya para may panggastos sa kanyang nanay na may sakit at tatlo niyang mga anak dahil wala siyang trabaho matapos na umuwi mula sa Saudi Arabia dahil sa pangmamaltrato ng amo.