Patay ang isang retiradong heneral ng Phili­ppine National Police (PNP) makaraang tambangan ng hindi pa nakilalang mga armadong lalaki sa Brgy. Nalsian, Calasiao, Pangasinan, Huwebes ng hapon.

Sa report ni Panga­sinan Police Provincial Police Office Director Police Col. Redrico Mara­nan, kinilala ang biktima na si ret. general Marlou Chan na binawian ng buhay habang ginagamot sa Villaflor Hospital sa Dagupan City.

Nabatid na dakong alas-2:50 ng hapon nang maganap ang pananambang sa biktima.

Sa pahayag ng mga testigo, lulan ang biktima sa orange na SUV na may plakang C2E590 at bumabagtas sa highway nang paulanan ng bala ng mga salarin.

Sunod-sunod na pu­tok ang umalingawngaw matapos puntiryahin ang behikulo na target.

Nagawa namang sumaklolo ng rescue team at isinugod sa pagamutan ang biktima ngunit nasawi rin.

Magugunita na si Chan ay tinaguriang ‘crime buster’ ng hila­gang Luzon matapos humawak ng posisyon bilang Director ng Police­ Regional Office 1. ­(Edwin Balasa/Allan Bergonia)