Ex-Taguig mayoral, congressional bet nahaharap sa sedition

Sinampahan ng kasong sedition o panggugulo sina Arnel Cerafica at kapatid nitong si Allan, kapwa talunang kandidato sa pagka-mayor at congressman sa Taguig noong 2019 midterm elections.

Ang kaso ng mga miyembro ng Jeepney Operators and Drivers Associations (JODA) nitong Lunes ay dahil sa umano’y serye ng ‘illegal assemblies and public and tumultuous uprisings’ noong May 14 at 23, 2019.

Maliban sa sedition, iba pang mga kasong krimi­nal kagaya ng inciting to sedition, illegal assemblies, public disorder, at violation of BP No. 880 ang isinampa laban sa magkapatid sa Taguig City Prosecutor’s Office.

Parehong mga kaso rin ang isinampa laban kina Andre Polo alyas ‘Dre Guez Polo’, Gloria Polo, Maria Luisa Roja, Oliver Dinco, Atty. Glenn Chong, Theresa Estanislao Reyes, Jheny Perey Orellana, Karen Mercado, Yolly Lacsaron, Daniel Galmarin, Baby Celso, alyas ‘Annie Marie’, alyas ‘Ma. Fatima’, alyas ‘Florinda’ at ilan pang mga John at Jane Does.

Nag-ugat ang kaso nang magkaroon ng iligal na pagtitipon sa kahabaan ng Pedro Cayetano Boulevard, na isang public road, noong May 14 at nagdulot rin ng pagsikip sa trapiko at pagparalisa sa daloy ng komersyo sa kahabaan naman ng C-5 noong May 23. Pawang walang permit ang mga naturang pagtitipon na ikinainis ng mga na-stranded na residente.