Inaresto ng mga pulis ang dating manlalaro ng Philippine Basketball Association (PBA) na si Mark Cardona matapos nitong bugbugin at saksakin ang kanyang live-in partner sa loob ng kanilang tinitirhan sa Unit 21 ng Avida Tower 2 sa Malugay St., Brgy. San Antonio Village, Makati City kahapon ng umaga.

Nakakulong ngayon sa detention cell ng Makati Police ang 37-anyos na si Cardona, Mark Reynan Cardona y Mikesell ang tunay na pangalan.

Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa Makati Medical Center ang kanyang live-in partner na kinilalang si Bianca Nicole Jacket y Cabildo, 25-anyos­, sanhi ng mga tinamong tama ng saksak sa kanang braso at pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa report na natanggap ng Southern Police District, nangyari ang insidente alas-5:30 ng umaga kung saan ay nagkaroon umano ng pagtatalo ang dalawa dahil sa hindi pagkakaintindihan sa ilang mga bagay.

Sa gitna ng mainitang pagtatalo, ginulpi ni Cardona ang biktima hanggang sa makahagilap ng patalim at inundayan pa ng saksak ang kinakasama.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nasangkot sa kaso si Cardona dahil batay sa report, noong Pebrero ng taong kasalukuyan ay nahulihan din ito ng isang ‘hot car’ ng Philippine National Police-Highway Patrol Group.

Nagpalipat-lipat ng pi­naglaruang koponan si Cardona sa PBA pero mas sumikat siya bilang player ng Talk `N Text na pag-aari ng 71-anyos na binatang negosyanteng si Manuel V. Pangilinan.

Kabilang si Cardona sa mga player ng Talk `N Text nang mag-champion ito noong 2008-2009 Philippine Cup.
Nabatid na mula sa PBA ay nakatakda itong maglaro sa San Juan Knights sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL).