Bumulagta ang isang dating barangay tanod, na nasibak sa trabaho dahil sa pagkakasangkot sa iligal na droga nang barilin ng mga pulis matapos na manlaban sa anti-drug operations, kamakalawa ng hapon sa Binondo, Maynila.

Kinilala ni SPO2 Jonathan Bautista ng Manila Police District-Homicide Section (MPD-HS) ang suspek na si Tirso Halaba, 44, residente ng No. 815 G. Masangkay St. sa Binondo, Maynila.

Ayon kay Police Chief Inspector Leandro Gonzales, hepe ng Station Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Unit (SAID-SOTU) ng MPD-Station 11, nagsagawa sila ng anti-drug operations sa tahanan ni Halaba matapos makatanggap ng impormasyon na ginagawa itong drug den dakong alas-kuwatro ng hapon.

Gayunman, habang inaaresto ay nanlaban umano ang suspek kaya napatay ng mga pulis.