Ex-US Army nangmanyak sa resto bar

Kulungan ang bagsak ng isang American citizen matapos mambastos ng mga estudyante sa isang resto bar sa Marikina City, Linggo ng madaling-araw.

Sa nakalap na ulat mula sa Eastern Police District (EPD), nakilala ang suspek na si Kayode Lawson y Hamal alyas ‘Heaven’, 39, isang retiradong US Army at nakatira sa Brgy. Malanday, Marikina.

Ayon kay Police Col. Restituto Arcangel, hepe ng Marikina Police, nahaharap sa kasong unjust vexation at maltreatment ang suspek matapos ireklamo nina Nicole Carvajal, 23; Ma. Nelie Yna Sintor, 22-anyos; at Ma. Julieta Elaine Jose, 23-anyos.

Dinampot ang suspek bandang alas-4:30 ng madaling-araw sa Yholks Avenue Resto Bar na matatagpuan sa panulukan ng J.P. Rizal Street at Sumulong Highway sa Brgy. Sto. Niño.

Nag-iinuman ang tatlong magkakaibigan nang lapitan ng suspek at nagpakilala sa kanila. Habang tumatagal naging malikot na umano ang kamay nito sa kanila hanggang sa hina­wakan pa sa dibdib ang isa sa magkakaibigan.

Humingi ng tulong si Sintor sa Marikina Police Community Precinct 3 kaya rumesponde sina PCpl. Jesus Laurel at PCpl. Arn Tabañar para arestuhin ang dayuhan. (Vick Aquino)