Ex-Usec kay Bello: Name names!

Hinamon ng Lilac Center for Public Inte­rest, Inc. si Labor Secretary Silvestre Bello III na pangalanan na ang mga sangkot na opisyal ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na umano’y mga sabit sa mga katiwalian na may kinalaman sa pagpapalabas ng overseas employment certificates (OECs).

Una nang sinuspinde ni Bello ang aplikasyon at pag-iisyu ng OEC sa inilabas na Department Order (D.O.) 185.

Ayon sa pangulo ng Lilac Center na si Nicon Fameronag, na dati ring undersecretary ng DOLE, ang pansamantalang pagsuspende ay dapat samantalahin at madaliin upang himayin ng binuong investigating team sa pa­ngunguna ni undersecretary Bernard Olalia ang bumabalot na anomalya sa ahensiya.

Panahon na aniya na ang kalihim ay maging seryoso sa pagkilos, hindi sa salita, at pangalanan ang mga opisyal ng POEA na sangkot sa mga ano­malya sa ahensiya.

Sinabi ni Fameronag na ito na ang pangalawang imbestigasyon sa umano’y katiwalian ng OEC ngunit ang mga sinasabing tiwa­ling opisyal ng POEA ay hindi pa rin nakikilala.

“Hindi tulad ng Pa­ngulo Rodrigo Duterte, bakit si Secretary Bello ay nahihiya sa pagbibigay ng pangalan ng mga corrupt na opisyal sa POEA?” tanong pa ng dating undersecretary.

Idinagdag pa ng opisyal ng Lilac Center na patuloy sa pag-iingay ang mga matataas na opisyal­ ng kagawaran ang pagbalasa sa POEA ngunit walang ideya ang publiko kung ito ay tunay.

“Ngayon hinahabol ni Secretary Bello ang mga security guard at mga ja­nitor. This doesn’t do justice to the do-gooders and the upright in the POEA. Nalilito na at demoralisado na sila…” wika pa ng dating opisyal ng DOLE.

“We have, in fact, received queries from POEA personnel asking why Sec. Bello, as chairman of the POEA gover­ning board, is shaming the people in the DOLE attached agency by kee­ping on insinuating there is corruption there, but not naming or charging anyone,” diin pa ni Fa­meronag.