Ex-vice mayor, niratrat sa Cagayan

Tatlong tama ng punglo ang tumapos sa buhay ng dating vice mayor ng Amulung, Cagayan nang tambangan ng mga gunmen na sakay ng isang van kahapon ng umaga.

Sa inisyal na report na ipinarating sa Camp Crame, kinilala ang biktima na si Alexander Pascual, dating bise alkalde ng Amulung, Cagayan at residente ng Barangay Cordova.

Nagtamo ito ng tatlong tama ng bala sa katawan dahilan ng agarang kamatayan.

Napag-alaman na lulan ng kanyang motorsiklo ang biktima at binabagtas ang kahabaan ng national hi-way sa Barangay Carig, Tuguegarao City, nang dikitan ito ng Mitsubishi Adventure sakay ang hindi pa malamang bilang na kalalakihan at pagbabarilin.

Sinikap pang patakbuhin ng biktima ang kanyang motorsiklo pero nahabol din siya ng mga ito at inabutan sa bahagi ng hall of justice kung saan ito pinaputukan muli hanggang sa tuluyang mamatay.