Idinepensa ni Misamis Oriental Governor Yevgeny Vincente Emano ang kanyang kaalyado na si dating Caga­yan de Oro City vice mayor Ceasar Ian Acenas matapos itong masakote kasama ang apat na iba pa dahil sa pagkakasangkot diumano sa P400 million ‘double your money’ investment scam.

Nakiusap si Emano sa publiko na huwag kaagad huhusgahan si Acenas at hayaan ito na maibigay din ang kanyang panig sa publiko at sa hukuman.

Nabatid na sina Emano at Acenas ay magkasama sa regional political party na Padayon Pilipino.

Sabi ni Emano, napatunayan na ni Acenas na totoo itong kaibigan at isa ring responsableng miyembro ng kanilang partido.

Ayon pa sa gobernador, pinagkatiwalaan ng kanyang ama na si dating Cagayan de Oro City Mayor Vicente Emano si Acenas na maging runningmate sa mga nakaraang halalan.

Sabi ni Emano, kanya nang hiniling kay Provincial Information Officer Florito Dugaduga na tulungan ang dating bise alkalde sa pamamagitan ng pagbibigay ng abogado dito.

Si Acenas at apat na iba pa ay dinampot ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group sa Mandaue City, Cebu kamakailan dahil sa pagkakasangkot diumano sa P400 million investment scam sa Mindanao.

Kasama niyang inaresto ang mga suspek na kinilalang sina Aileen Hope Matulac, Maria Esperanza Makinano, Arjun Gomban at Ajetor Daya. (PNA)