Exciting exchange gift

Sino ang hindi excited sa tuwing magkakaroon ng exchange gift? Lahat tayo ay excited lalo na ang mga bata. Bahagi na ito ng pagdiriwang natin ng Pasko. Hindi kumpleto ang Pasko kung walang palitan ng regalo.

Isa ito sa mga inaabangang bahagi ng selebrasyon. Sa paaralan, unang nakakaranas ng exchange gift ang karamihan sa atin. Ginagawa ito tuwing Christmas party.

May iba’t ibang paraan ang pagpapalitan ng regalo. May tinatawag na kris kringle, meron din namang monito monita. May bunutan ng pa­ngalan o numero on the spot. Kahit ano pa man ang paraan nito ay hindi nababawasan ang ka­sabikan natin sa ating matatanggap. Malaki man o maliit na bagay ang ating makuha ay ikinasisiya na natin.

Hindi lang maiwasan na may mga sumasama ang loob kapag hindi nila gusto ang kanilang natanggap,gayunpaman, bahagi pa rin ito ng palitan ng regalo at hindi maikakaila ang excitement na dala nito. Hanggang sa ating paglaki ay ginagawa pa rin natin ito tuwing Pasko, sa trabaho, sa mga magkakaibigan at syempre pa sa isang family reunion. Pero saan at paano nga ba ito nagsimula?

Pinaniniwalaan na ito ay nagmula sa mga haring dumalaw sa pagsilang ni Kristo. Ang kanilang mga tangan na regalo ay inialay nila sa hari ng mga hari na si Hesukristo. Ang pagbibigay ng regalo ay ginampanan din ni St. Nicholas o mas kilala natin bilang si Santa Claus. Sa Germany ito ay Christkind, sa Spain ay ang Wisemen at sa Italy ay ang old lady na tinawag na Befana. Sa Italy din sinasabing nagsimula ang pagpapalitan ng regalo.

Naniniwala sila na ang pagpapalitan ng regalo ay pagpapalitan din ng suwerte o lucky charms. Sa kasalukuyan, sa bawat sulok ng mundo ay ginagawa na ito bilang bahagi ng Kapaskuhan. Tandaan lamang natin na ang pagreregalo ay hindi pagmamayabang lamang o para lamang sa kasiyahan kundi ito ay pagbibigay din ng halaga sa taong iyong pagbibigyan. Dapat ay kusang loob at bukal sa loob. (Geraldine Monzon)